Papano ako makakabangon... kung sa bawat pagtatangka ko'y sinisipa ako ng pagkakataon... umamot ako ng tulong... akala ko'y ikaw na ang sakin ay mag-aahon... subalit lalo mo lamang pala akong ibinaon... sa tinik ng alaala ng aking kahapon...

 

 

Haring araw nagpilit

Sinag nya'y pinipilit

Bati ko sayo ulit

Sa ulap sinisingit

 

 

Malumanay na ngiti

Ang sumilay sa labi

Nakatanggap ng bati

Mula sayo oyayi

 

 

Ulan ang kaulayaw

Sa tubig nagtampisaw

Ulap di magugunaw

Ni silip walang araw

 

 

Kahit namamalat

Nagpilit na bumanat

Awit di nagpaawat

Ng haing pasalamat

 

 

Ibig ko lang matuwa

Sumaya aking diwa

Nagpasalamat palibhasa

Sa DIOS Amang dakila

 

 

Ako ay natutuwa

Sa akin ka'y nahawa

Labis akong namangha

Marunong kang tumula

 

 

Ilang ulit kong hihingin

Ang iyong paumanhin

Bago mo iibahin

Ang turing mo sa akin

 

 

Ilang beses halimbawa

Ako ay magbabata

Nang hirap at aligata

Para ka lang maawa

 

 

Ngayong gabi'y lumalamig

Dulot ng mga halumigmig

Ang tangi lamang kaniig

Harana ng mga kuliglig

 

 

Ikaw pala ay umid

Sa igang di pa batid

Bati lang ng matipid

Sating unang pagniniig

 

 

 

Tinitipon ng dilim

Maningning na bituin

Pinang-aakit mandin

Sa mga matang kulimlim

 

 

 

Nagbulwak ng sinag

Araw na maliwanag

Sa papag ay patinag

Nang biyaya'y malaglag

 

 

 

Ilang punyal ibabaon

Sa mga matang Bumabalong

Bago ko iwang malingon

Alaala ng kahapon

 

 

 

Sa lumalalim na gabi

Wag makuhang isantabi

Panalanging nakaimbi

Sa DIOS Amang mabuti

 

 

 

Magandang umaga din

Kahit malayo mandin

Pilit pang aabutin

Ng bati kong may diin

 

 

 

Bati'y sunod sa uso

Tumanggap haba nguso

Gumastos man ng piso

Bati di'y taos sa puso

 

 

Ingat po sa paglayas

Pagkat ngayo'y madulas

Baka ka madulas

At bagahe'y manlagas

 

 

 

Makulimlim ang langit

Araw hindi sumilip

Liwanag ikinait

Sa pusong nananabik

 

 

 

Maghapong umuulan

Maghapong araw liban

Maghapong nag-uunahan

Mga damdaming nahibang

 

 

 

Halinghing ng kulisap

Ang syang umaayakap

Sa antok na mailap

Ang hangad ay pangarap

 

 

 

Sumambulat lumigwak

Ang hapdi ay talamak

Lumaganap bumulwak

Sa ulo'y umaantak

 

 

 

Namaluktot sa banig

Ang ulo pa'y humilig

Ang umagang kaylamig

Muling nagkakatinig

 

 

 

Nakakahilong gabi

Ang sa aki'y bumati

Umiikot sumindi

Sa ulo ko'y rumindi

 

 

 

Ngayong gabi'y bumati

Ngunit walang ngumiti

Mensaheng inilapi

Wala man lang bumawi

 

 

 

Tumago ka sa dilim

Matulog kang mahimbing

Sa unan mo ka'y sumiping

Mangarap kang maningning

 

 

 

Tugon ko'y naglikat

Sa tanong mong hinanap

Bakit ako sumulat

Aking tula kamukat

 

 

 

Diyatat 'yong nagawa

Bumanat ng mga tula

Nasanay ba 'yong dila

O may lahi kang makata?

 

 

 

Kung gayo'y wag ipilit

Sa salita mamilipit

Baka 'ko pa masilip

Pag sumabog ang isip

 

 

 

Ganoon nga katoto

Ang turing ko sayo

Di kita niloloko

Kung isip mo'y tuliro

 

 

 

Tunay ngang kakamangha

Gawa ng mga makata

Bulaklaking salita

Taguri nila'y tula

 

 

 

Salamat sa pagtanggap

Salitang inapuhap

Sa malayang hinagap

Ng dati kong pangarap

 

 

 

Kung gayo'y paalam

Sayo 'king kaibigan

Katawan na'y ihimlay

Sa kamang naghihintay

 

 

 

Maghapon ng nagdilim

Liwanag di tumikim

Ang ulan ang lumilim

'Gang ngayong gabi'y tiim

 

 

 

Katanghaliang tapat

Kung ang text ko'y di sapat

Sa ulap ilalapat

Pabati kong may lingap

 

 

 

Huh? Ang aking katoto

Pala ay nasa pulong

Toothpick sanay binugong

Ng mata'y di magsalubong

 

 

 

Tanghaling mainit

Antok nang-aakit

Bago ka pumikit

Text ko muna'y silip

 

 

Mga nalikhang tanaga

Puso ko ang gumawa

Di agad nahinuha

Sa buhay ko'y humawa

 

 

 

*TANAGA*   isang uri ng tula na  may apat na taludtod na magkakatugma na

may  tigpipitong pantig sa bawat taludtod.

 

 

 

yang mga tanaga na yan ay mga text at sagot ko sa text sakin ng mga kaibigan ko... yang ganyang uri kasi ng tula ang bagay na bagay sa text messaging eh, maigsi lang at nailalahad na ang ibig mong ipahiwatig sa isang padala lang. maigsi pero malaman. marami pa akong mga mensaheng tula sa celphone ko pero sikreto na yung iba eh. hehehehe..

 

 


utakbarado wrote on May 13
ah buti binasa ko akala ko talinghaga___
stanzeke1 wrote on May 13
Ngek... maforward ngang mga yan sa mga katxtmates ko.. si kuya rein talaga laging sa huli ang banat..
akinse30 wrote on May 13
hehehe.. buti di mo inisip na bugtong ano?
akinse30 wrote on May 13
hehehe.. sige lang forward mo, mabisa daw pamapalubag sa mga babae yang tula eh. wag mo lang aabushin ang paggamit sa mga agimat ko ah.. dahil sa bukod sa mawawalan ng bisa yan eh, magiging unano ka gaya ni gma, payag ka ba dun? hehehe
Add a Comment
   
© 2008 Multiply, Inc.    About · Blog · Terms · Privacy · Corp Info · Contact Us · Help