Noong bata pa lang ako wala akong hilig sa pagsusulat, sa formal theme at informal theme nga na pinapagawa ng mga titser namin noong elementary pa ako eh walang kalatuy latuy ang mga sinusulat ko doon eh, mga tipong ang isusulat ko ay masarap ang suman na gawa ni nanay noong bagong taon kapag pinaggagawa kami ng new year's resolution sa informal theme, date ko sa mga damo kapag balentayms day at bangayan ng kapitbahay namin kapag Mother's day naman. Mahilig lang talaga ako noon eh magbasa, hilig kong basahin eh yung mga kwentong pambata, mga pabula, parabula, at mga alamat, at kahit anong libro na makita ko sa school namin. Aliw na aliw ako sa mga iyon dati, parang pag binabasa ko iyon eh ako mismo ang tauhan at nasa lugar mismo ako ng pinangyayarihan ng kwento, masyado nga akong nahumaling doon kaya kahit nagkaklase na eh nagbabasa padin ako at hindi na nakikinig sa lecture ng titser ko. nasabi nga ng titser ko noon sakin baka daw pagdating ng araw at magkita ulit kami ay isa na akong abogado. hehe kakatuwa sya! di ko naman binigo ang guro kong yun, abogado na nga ako ngayon, abogado ng sarili kong opinyon na natatanggol sa sarili ko lamang papel at tinta.
Ngayong lumaki na ako ng kaunti hindi ko alam kung pano ako nagkahilig sa pagsusulat. ang tanging alam ko eh nagsusulat ako kung kailan ko gusto, hindi ko rin inaasahan na may humanga man sa mga isinusulat ko, o kaya'y purihin ang mga likha ko, ni hindi ko nga hinahangad na may bumasa ng mga katha ko eh, ang mahalaga sakin ay maisulat ko at maipahid sa papel ang damdamin ko. oo ang lahat ng isinusulat ko ay kung ano ang nasa puso ko at isipan, kung ano ang nararamdaman ko, kung ano ang pananaw ko sa buhay, sa paligid, sa tao, at sa sarili ko.
Hindi ko rin iniisip na ipagmalaki ang mga naisulat ko sa iba, hindi ko rin nais lagyan ito ng grado ng iba na para bang nagsulat ulit ako ng informal o formal theme, mas gusto ko lang na makita ang mga gawa ko. tapos balikan ko ito pagdating ng araw kung may pagkakataon pa ako para magawa ko iyon.
Pero minsan hindi mo rin pala maiiwasan na hindi ito mabasa ng iba, hindi mo rin maiiwasan na maitawid sa iba ang mga bagay naisulat mo dito. ang mga opinyon mo, ang mga mensaheng nais ipabatid ng mga sinusulat mo. at hindi mo rin maiiwasan ang mga komento ukol dito.
Sabi nila ang mga mahihilig daw magsulat ay yung mga may malulungkot na dinadaanan sa buhay, yung mga kalimitang sawi sa pag-ibig, sa buhay... mga tinakasan na ng kanilang sariling buhay, mga nasa pagitan na ng katinuan at kabaliwan. mga umani ng kasawian sa mundo. ewan ko nga ba sa kanila mga adik ata yung mga nagsabi nyan.
Pero bakit nga kaya ganun? kalimitan ang mga nagsusulat ay malulungkot ang kanilang isinusulat, mas maganda ang kanilang sulat kapag malungkot ang kanilang napagdaan sa buhay. Gaya na lamang ni jose Rizal na muntik na nyang sunugin ang kanyang obra ng makarating sa kanya ang balitang nagpakatiwakal ang kanyang mahal na si Maria Clara matapos mabigong maghintay sa kanya, at ng malaman nya ang mga nangyari sa kanyang mga mahal sa buhay. Nakasulat si Emily Bronte ng di matawaran sa gandang mga tula ito'y dahil sa mapapait na karanasan nya sa buhay.
Sabi nga eh ang manunulat daw habang naaapi, nasasawi, nakakaramdam ng kalungkutan saka lalong gumaganda ang kanilang panulat, parang sundalo na habang nasusugatan ay lalong tumatapang.
Ang isang manunulat ata talaga eh nakatalaga ng masaktan. sila ata ang ginawang instrumento ng mga kabiguan, hinagpis, ng pusong sugatan, ng sakit sa damdamin, sila ang daan upang makilala ng mga mambabasa kung ano ang kaibahan ng lungkot sa kasayahan, ng pagkabigo sa tagumpay.
Kaya walang kang kawala kung gusto mong talagang magsulat, lalo na kung balak mong maging manunulat, kailangan mong danasin lahat ng ito upang ikaw mismo ang makadama at daluyan ng mga bagay na dapat matutunan ng mga tao.
Ayaw ko naman ihanay ang sarili ko sa mga tinatawag na manunulat dahil sa kakapalan ata ng mukha kong tawagin ko ang sarili ko na manunulat, pero dala ata ng lipas ng gutom ng may nagbulong sakin na matatawag na daw na manunulat ang isang tao kapag nagsusulat na sya. ang pruweba daw na manunulat na sya ay yung mga sinusulat nya kahit na hindi daw ganun kaganda ang mga ito basta nagsusulat ka eh pwede ka ng tawaging manunulat. parang karpintero kahit di ka pa sanay gumawa ng bahay ng posporo pwede ka ng tawaging karpintero basta makabuo ka na ng silya kahit di pantay ang mga paa. Kaya pwede na pala akong tawaging manunulat. yehey!
Pero minsan parang ayaw ko na atang magsulat, ayaw kong maranasan ang mga ito. ayaw kong lumuha, ayaw kong mabigo. takot ako sa pagkabigo! baka ikabaliw ko ito. mas takot akong pagtawanan ng ibang tao. ayokong umiyak (sana), ayaw kong masaktan, at higit sa lahat ayoko ng rejection, ikamamatay ko ata ito.
Bakit kasi kailangan mo pang danasin ang mga kalumbayan bago mo maisulat kung ano ang nararamdaman ng isang nalulumbay, bakit kailangan mo munang malugmok sa kalungkutan bago mo masabi sa iba ang itsura ng kalungkutan, bakit kailangan mo pang paulit-ulit maranasan ang mabigo bago mo maipahayag sa iba kung gaano kasakit ang mabigo. bakit kailangan mo pang ilang ulit mareject bago mo maikwento sa iba ang kirot ng nababalewala, bakit kailangan pang matigmak sa luha ang iyong puso bago mo masabi sa kanila kung gaano kahirap ang maubusan ng luha, bakit kailangan mo pang masaktan sa pag-ibig bago mo masabing isang bangungot ang umibig at mabigo.
Ayokong maging manunulat kung ito ang magiging sanhi ng pagkamuhi ko sa mundo, ayokong madanasan ang masaktan dahil natatakot akong baka diko kayanin, ayoko na sanang magsulat.
Pero ano nga ba naman yung magkadurog-durog ang puso mo kung ito naman ang tulong mo sa mundo, kung ito ang bahagi mo sa sangkatauhan, kung dito sa papel at tinta maisisigaw ang kahulugan ng pag-ibig, ng pagmamahal, ng kasayahan, ng kabiguan, ng lungkot, ng tuwa, ng galit, ng pagtitimpi, ng pagpaparaya, ng pagpapatawad, ng pagsusumakit, ng galak, ng lugod, ng selos, ng pagpapakabayani, ng paghihirap, at ng iba't ibang mukha ng buhay.
Ano ba naman yung maging manhid ka pagkaminsan upang wag kang mamatay ng biglaan dahil sa kalungkutan, ng sa gayon ay maihatid mo sa mga tao ang mga bagay na kailangan nila sa buhay at mundong pinaglikhaan sa atin.
Kaya siguro lalakasan ko na ang loob ko, kakapalan ko na ang mukha ko, tatatagan ko na ang loob ko anuman ang danasin ko, at higit sa lahat pipilitin ko ng aminin sa sarili ko na magiging malungkot na lang ako sa buhay, at laging dadanas ng kabiguan.
Papayag na akong magsulat, para sa lahat... Para makatulong sa mga mahal mo...
Sige! Sulat kamay... Sulat... Ganapin mo ang obligasyong sayo'y ipinagkatiwala... Damhin mo ang damdaming sayo ibinilin... Maging ito man ay parusa sayong katauhan, o ligwak ng kabiguan... Obligasyon mong ipakilala sa kanila ang lahat ng damdaming namumuhay sa pagkatao ng isang nilalang...
Sulat kamay... sulat... Hanggang mapatid mo ang iyong sariling lumbay.
Sulat kamay... sulat... Hanggat kailangan ka pa ng mga tao.
Sulat kamay... sulat... Hanggang matigmak ng luha ang mga mata mo.
Sulat kamay... sulat... hanggang ang sariling dugo ang maging tinta mo.
 | hehehe... talaga lang po ah. isa ka palang masayahing manunulat. sabagay diko naman po nilalahat ang mga manunulat sa punto kong iyon, maaring obserbasyon ko lamang iyon sa karamihang manunulat na nababasa ko ang akda nila, pero inaaamin kong di aplikable sa lahat ang pahayag kong iyon. bunga lamang marahil ng aking damdamin. ipagpaumanhin po kabobong jhuly...
salamat po sa pagbasa at komento... ikinatutuwa ko po ito.
|
| |