Krinnggg..... Krinngggg... Krinnggg...
Kinapa ko ang cellphone sa tabi ng unan ko, mariing pinisil
ang isang button nito.
Ang alarm ko walang awang niririndi ang tenga ko sa malakas na tunog nito, kaya pinatay ko muna dahil ayoko pang bumangon, ng biglang may magsalita
'Hello, Hello" sabi ng nasa kabilang linya,
pambihira may tumatawag pala akala ko alarm ko yun!
"Yes Hello, who's this?" malumanay kong sagot at inis dahil sa naistorbo sa pagtulog.
"Hello Rein, are you still asleep?"
'Nak ng tinapay boss ko pala, tumatawag sa cellphone ko akala ko kung sino, katangahan ko kasi diko muna tinignan kung sino ba ang tumatawag, o pinagkamalan ko lang kasi na alarm.
"No sir... i'm preparing to go to work now" ang agap kong sagot habang pilit na pinasisigla ang matamlay na boses dulot ng pagkakahiga, at pananakit ng katawan at ulo, kagabi pa kasi masama ang pakiramdam ko.
"Anyway, I have an appointment to Mrs. Darin for the payment of glass door at 9:00am, but unfortunately I receive an emergency call from my association we have an emergency meeting, I’m on my way now. will you please meet Mrs. Darin 'coz its very important to settle it now." litanya ng boss ko habang pilit kong pinagiging normal ang sarili ko.
" Ahh, Yes sir, of course i will" sagot ko habang tumitingin sa relos ko, My gulay! 8:30 na pala! 9:00 ang appointment!
"Don’t be late, coz it’s very important!" ang halos diko na narinig na bilin ng boss ko, dahil sa pagmamadali na bumangon at mag-ayos.
Dumeretso na ako sa banyo pagbangon ko, nagbuhos lang ako ng tatlong tabo, pagkatapos nagsepilyo, hinanap ang kaisa-isa kong wash and wear na polo para dina mamalantsa, sakto andito pa, nagsuot ng pantalon, suklay ng kaunti, larga na. sa ngayon mahalaga ang bawat segundo di na pwede ang magpatubay tubay gaya ng dati.
"Nay alis na ako!"
"Teka yung almusal mo!" ang habol ni inay,
"Di na ho! takpan nyo na lang at aalmusalin ko na lang mamayang gabi."
Paglabas ng bahay pinara ako ng isang kapitbahay,
"Kuya pasaan po kayo?" anak ng' kailangan ko ba talagang sagutin pa yun?
"Papasok sa trabaho, bakit?" ang may pagkainis kong sagot,
"San po? dasma, bakit ba?" naman! parang imbestigador ng bayan!
"Ah ayos! pasabay naman po..." hay yun lang pala, sya sakay...
Habang daan nagkukwento sya, mag-aaply daw sya ng trabaho kaso kulang daw pamasahe nya kaya swerte daw sya at nakasabay sakin menos pamasahe daw, grabe na kasi taas ng pamasahe ngayon kuya, wala ng tigil sa pagtaas noh?
Diko sya pinapansin dahil abala ako sa pagpisil sa silinyador dahil ilang minuto na lamang ang natitira sa oras sa usapan ng kausap ko.
"Tapos wala ka namang trabaho para pagkunan ng pamasahe, napakahirap namang makakuha ng trabaho kuya, ang hanap ng mga kumpanya mataas ang pinag-aralan mo kahit janitor lang inaaplayan mo, tapos gusto pa galing ka sa prominenteng eskwelahan, sira ulo ata yung mga yun eh."
"Tapos ang gobyerno nagbibigay nga ng jobfair eh sa initial interview palang ibabagsak kana, kasi hanap nila yung may experience daw, eh anak ng bakule naman kuya paano ako magkakaroon ng experience eh ayaw nga nila akong tanggapin, diba? yun ba yung fair?"
Ngumingiti ako paminsan tanda ng pag-sang ayon sa mga sinasabi nya, pero dina sumagot dahil nakatutok ang mata ko sa kalsada. tuloy lang ang kwento nya, hanggang sa makarating kami ng isang stoplight, natrapik na naman ako dito dahil sa pagsisiksikan ng mga pampasaherong jeep at bus,
"Eto ang isang kinaiinisan ko sa mga jeep at bus na to!"
ako naman ang nagsalita,
"Ginagawang pilahan ng mga abusadong driver nito ang stoplight eh, tuloy naabala pati yung mga nagmamadali, manong kapag green eh tumuloy na, aba'y inaantay pang mag-red light ulit para lamang makapanatili sa pwesto at makapag-antay ng mga pasahero, tapos to namang mga buwayang pulis at traffic enforcer nakatayo lang, manong sitahin! tapos halata namang kolorum yung iba di hinuhuli, dahil balita ko may lagay na yung asosasyon nila sa itaas. hay naku! ugali nga naman ng mga ito, mula sa pinakamataas na kawani ng ahensya nila hanggang sa mga ordinaryong traffic enforcer, korap! gobyerno nga naman, tsk stk," ang iling ko pa.
Nakalampas naman kami pagkatapos maubos ang malaking bahagi ng oras ko sa paghihintay, diin ulit sa silinyador para makahabol sa appointment, tumingin ako sa relos menos singko para alas nueve, mahuli man ako mga sampung minuto lang siguro, wag lang magkaka-aberya. pwede na, dadaanin ko na lang sa dramahan ang pagpapaliwanag.
Malapit na ulit sa susunod na stop light, pero… parang dininig ni madam rosa ang pangamba ko, may naramdaman akong kakaiba sa takbo ng sasakyan, parang kahit anong diin ko ng silinyador eh ayaw ng bumilis, hahabol pa naman sana ako sa nagkukulay dilaw ng stoplight.
Nawawala unti unti ang tunog ng makina, parang naghihingalong pusa, sisinghap singhap, tapos naramdaman ko kumakadyot kadyot na, anak ng pating bulong ko bakit ngayon pa ata ako masisiraan. wag naman sana!
"Ano ngangyayari?" tanong ng nakisakay sakin,
"Diko nga alam eh, parang nasiraan ata ako."
Itinabi ko muna ang sasakyan. tapos pinakiramdaman, pinalamig ng kaunti baka kako sumuko dahil sa labis na diin ko sa silinyador,
Pagkalipas ng ilang sandali ini-start ko ulit, ayaw! start ulit, ayaw padin, sinubukan ko ulit. ayaw padin.
"Baka naman wala ka ng gas kuya..." sabi ng katabi ko,
"Huh!? oo nga noh," pero diko naisip yun dahil kahapon lang ay nagpakarga ako ng P200 na gasolina, imposibleng maubos yun dahil wala naman akong pinuntuhan kundi opisina lang at bahay, tantyado ko ang itinatakbo ng ikinakarga kong gasolina, dahil araw-araw kong ginagamit ito. ang apat na litro kong gasolina ay makakapasok na sa trabaho, makakauwi tapos makakapasok pa ulit kinabukasan, pano mauubos ang isinalin ko kahapon! imposible...
Eh kaso sa itsura ng sasakyan mukhang gasolina nga ang hinihingi, dahil sinubukan ko ulit istart eh ayaw talaga, tapos naalala ko tatlong beses na nga palang nagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong linggo, malamang nga ay mali na ang karkulasyon ko. hay naku talaga!
Pesteng pagtaas ng gasolina talaga yan! daming napeperwisyo, isipin mong sa bilis nilang magtaas ng gasolina eh di mo na namamalayan na yung ikinakarga mo palang gasolina dati ay halos kalahati na ang nababawas! dati ang P200 mo ay mahigit ng apat na litro ang maikakarga, ngayon eh kulang kulang tatlong litro na lang ang P200 na halaga ng gasolina, napakalaking kawalan nga nito sa mga katulad kong tantyado lamang ang lagay ng gasolina sa tuwing magpapakarga ng gas, biruin mong dahil sa walang tigil na pagtaas nito ay magaganap sakin ang kalbaryo sa araw na ito.
Walangyang gobyerno yan! ang bulong ko sa sarili ko, wala man lamang ginagawa upang pigilan ang pagtaas ng gasolina, sunod sunuran sa mga taong may lakas para mapatalsik sya sa pwesto, sa mga taong malaki ang buwis na ibinabayad, sa mga taong posible na namang pagkunan ng pondo sa susunod na eleksyon, sa mga taong kumukontrol ng ekonomiya at malalaking negosyo na maaaring pagkakitaan ng mga ganid sa gobyerno, haaayy! bwisit na pilipinas!
"Wala na ngang gas yan kuya, eh pano kuya nagmamadali ako eh dito na lang ako, malapit na naman ako, ok ka lang dyan kuya?"
Ok ka dyan ! sabunutan kaya kita! kita mo ng naubusan ng gasolina sa gitna ng pagmamadali yung tao tatanong mo pa kung ok! ang sabi ko sa isip ko.
"Sige ok lang ako dito, bibili na lang ako sa may malapit na gasolinahan."
"Sige kuya salamat sa sakay ah..." sabay takbo ng loko, ni di man lang ako inalala na tulungan.
Sabagay gusto ngang magkatrabaho ng bata eh baka malate pa sa interview, samantalang ako eto mukhang mawawalan naman ng trabaho dahil late sa appoinment.
Naalala ko bigla late na nga pala ako, hinugot ko muna ang cellphone ko, tinawagan ang katagpo sana, pinagbigay alam ang kalbaryo ko ngayon, sabi ko baka malate lang ako ng kaunti. pumayag naman maghintay ang kausap ko, salamat naman kung ganun.
Dali dali akong kumuha ng basyo ng bote para paglagyan ng gasolina, bumili ako ng gas, pagdating sa gasolinahan…
"Boy! pakarga naman ng premium, punuin mo na ito..."
"Ay boss dina po pedeng pagkargahan yan ngayon," ang tinutukoy nya ay ang dala dala kong bote ng 1.5 litro ng pepsi.
"Huh?! bakit naman di pede?"
"Eh kasi boss madali daw matunaw yan lalo na kapag gasolina ang ikakarga."
"Kung gusto nyo boss eh, bentahan ko na lang kayo ng bote dito samin."
Ayun! Kaya naman pala..
"Magkano naman?" tanong ko
"P15 po yung isang litrong lalagyan."
Huh!? walangya hanggang dito ba naman may anomalya padin!
"Sige wag na lang!"
Sino lolokohin mo, sabi ko sa sarili habang lumilipat sa katabing gasoline station, yun bote naman ibinebenta eh basyo ng langis na itatapon na nila sana. Tapos ibebenta sayo na daig pa ang bagong bote, pananamantala na yan ah!
Pagdating sa kabilang gasolinahan ganun din pala bawal nga daw yung bote na dala ko kasi nga eh posible daw matunaw ng gasolina yun, humingi na lang daw ako ng bote dun sa may crew nila na pedeng paglagyan , ayun ayos! pinamimigay lang pala talaga yun, samantalang sa kabila eh P15 ang sinisingil sayo, talaga nga naman ang ibang mga pinoy oo!
Pagkasalin ng gas, pumara ako ng tricycle para pahatid, pagdating sa destinasyon inabot ko ang bente kay manong.
"Wala ka bang barya? kalalabas ko lang kasi eh,"
Walastik manong alas dyes na ng tanghali kalalabas mo palang sabi ko sa sarili, eekk!!! sabagay ako nga ngayon pa lang papasok eh, naghanap ako sa bulsa eh wala.
"Teka manong sabi ko dito ata sa sasakyan may barya ako," naghanap ako sa lagayan ko ng barya, nakakuha ng P10.
"Eto po manong oh,"
"Ok sige salamat!" sabi ng driver pagkaabot ng P10 at sabay arangkada.
Teka manong hahabol ko sana, may sukli pa akong dos,pambihira talaga oh otso lang ang pamasahe eh!
Sabagay mahal na nga pala ang gasolina ngayon baka nagtaas na din ng biglaan si manong ng pasahe at di na naantay pa ang desisyon ng LTFRB sa napakabagal na pagproseso sa dagdag pasahe na hinihingi ng mga drivers.
Pagkatapos kong maisalin ang gasolina ay dali dali ulit akong lumarga, pagdating sa sumunod na stoplight eh nakita ko trapik na naman dahil sa ugali ng mga jeep at bus na gawing pilahan ang stop light, kumanan ako sa isang subdivision para makapagshort cut at mapabilis ang pagbyahe ko, dina uubrang makipaggitigitan ako dun.
Pero pagdating sa gate gaya ng kinagawian kailangan mong maglabas ng P5 ulit para sa tiket na inaabot ng mga guard ng subdivision, na hindi ko sukat maunawaan kung bakit kailangan nilang pagbayarin ang mga dumadaan sa kalsadang iyon. samantalang kung tutuusin ay bahagi padin naman ito ng lupa ng gobyerno na nilagyan lamang nila ng gate at tinayuan ng mga bahay na magagara, biruin mo sa araw-araw na paglampas mo dun eh babayad ka ng P5 eh kung sa loob ng isang taon magkano na yun? 5x365= P1,825!
Walastik gasolina ko na yan sa sampung araw ah...
Hayaan mo na nga di bale na! kailangan kong sumunod sa batas nila ngayon dahil nagmamdali ako.
Bago ako makalabas sa subdivision na iyon may sinusundan ako na sasakyang medyo bulok na, may kargang mga plywood, mabagal ang takbo, gusto ko sanang maunahan kaso nasa gitna ng kalsada at ayaw tumabi, napansin ko ang plaka, kulay pula! kaya naman pala! sabi ko...
Tapos maya maya biglang tumigil sa gitna gitnang kalsada talaga, namatay ang makina, pilit binubuhay ng driver, nakailang start, buti na lang umistart ulit... nakahinga ako ng maluwag kala ko maaabala na naman ako kung kelan malapit na ako.
Pero maya-maya ulit ng kunti ay tumigil na naman, namatay ulit ang makina. Pambihira naman parang gusto kong sabihing silaban na lang kasi yun , ginagamit pa kasi eh isang kalawang na lang ang pipirma dun eh sa junk shop na ang destinasyon ng sasakyang iyon, pag nakita nga sila ng trak ng pepsi tyak hahabulin ang mga iyon para kunin ang sasakyan at gawing tansan! ang nakakainis pa nito ayaw man lang tumabi ng driver! kung bakit nasa gitna padin sya ng kalsada naabala tuloy pati ang mga nasa likuran nya!
Nakadalawang ulit pang ganun ang mokong bago ako tuluyang makalampas sa kanya, talaga naman oh! bulyaw ko sa sarili, manong palitan na ng gobyerno yung mga sasakyang bubulok bulok na, na ginagamit sa pagganap ng tungkulin ng mga pangkaraniwang empleyado nito at hindi yung taon taon eh nagpapalit ng bagong modelo ng sasakyan ang mga nasa matataas na posisyon ng ahensya nila, at palitan na din ang mga abusadong driver at mga kawani nito. Na parang mga hari sa kalsada komo nakapula ang plaka nila! hay naku!! kainis talaga!
Pagtingin ko sa relo alas dyes na, eh alas nueve ang appointment.
Resulta! isang oras akong late!
Buti na lang nadala ko sa dramahan moment ang katagpo ko at buti na lang pilipino ang kausap ko this time dahil mauunawaan nya ako (filipino time hehe) ayos talaga ang pinoy no?
At buti na lang hindi ko na pinansin ang simangot nyang mukha, at di maitagong pagkainip... (patay ako kay boss!)
Natutunan ko… wag sisihin ang gobyerno sa kamaliang ikaw mismo ang may kakulangan.
Kung gumising ako ng maaga diko dadanasin ito!